MANILA -- Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga masusugid kong tagasunod ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saanmang panig ng mundo kayo naroroon.
Habang sinusulat ko itong kolum na ito, kasalukuyan akong naghahanda papunta sa America para makasama ang aking pamilya na kasalukuyang nagbabakasyon sa Los Angeles. Medyo busy lang talaga ako sa mga panahong ito dahil abala ako sa pag-shoot at pagtapos ng mga commercial sa telebisyon at dalawang pelikula na ipapalabas sa taong ito.
Opo, tinanggap ko na ang alok at hamon upang labanan ang dambuhalang si Miguel Angel Cotto sa Nobyembre 14, sa MGM Grand Arena sa Las Vegas at excited na ako upang simulan ang paghahanda. Pero, medyo mahaba pa rin ang nalalabing panahon para umpisahan ang training, kaya naman gugugulin ko ang mga oras na ito upang makasama ang aking pamilya.
Sa mga susunod na linggo, pag-uusapan natin ang napipintong laban namin ni Cotto sa Nobyembre at ang aking plano sa mga susunod na buwan kasabay ng pagtatapos ng taong ito.
Hayaan ninyo muna akong magpasalamat sa ESPN at sa bumubuo ng ESPY awards at sa lahat ng mga fans sa buong mundo na bumoto sa akin dahil napili akong Best Fighter ng taon.
Lubos akong nagpapasalamat dahil napili akong Best Fighter at naungusan ko ang mga malalaking superstar ng MMA gaya nila Anderson Silva at Lyoto Machida at ang kapwa boksingero na si Sugar Shane Mosley.
Isang malaking karangalan po ulit na makuha ko ang ganitong parangal galing sa dambuhalang sports network dahil nangangahulugang nabibigyan-pansin ang aking mga sakripisyo sa ibabaw ng ring. Halos hindi ko lubos maisip na darating ako sa ganitong sitwasyon sa buhay mula nang magsimula ako sa pagboboksing maraming taon na ang nakakaraan.
Humihingi ako ng paumanhin dahil hindi ako nakaabot sa parangal at hindi ko natanggap ang award dahil na rin sa aking busy na schedule.
Sana nakasama ko rin ang mga sikat na atleta sa buong mundo gaya ng aking kaibigan na si Kobe Bryant na aking nakasama ngayon sa Manila.
Nagbunga rin ang ating mga sakripisyo at paghihirap at sa pagtanggap ko ng award na ito, pinapangako kong lalo kong paghuhusayin ang paghahanda sa laban at ang pag-aalaga sa aking katawan at pag-iisip upang lalo tayong magiging matagumpay sa mga susunod pang laban.
Salamat din sa aking pagkaka-nominate sa Best Play dahil sa second round knockout ko kay Ricky Hatton kahit na hindi tayo nanalo. Ang matanghal lamang at maihambing sa mga pinakamagaganda at kapana-panabik na play sa sports at mapanood sa buong mundo ay isang
bagay na dapat ipagpasalamat.
Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God Bless Us All.
Source: http://philboxing.com/news/columns.php?aid=1130&id=25933
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.