Thursday, September 10, 2009
UMPISAHAN NA ANG PAGHAHANDA
Magandang araw po sa inyong lahat mga ginigiliw kong tagasubaybay, kaibigan at tagahanga. Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan saan mang panig ng mundo kayo naroroon.
Habang binabasa nyo ang kolum na ito, malamang ay nasa himpapawid na ako at aking mga kasama sa Team Pacquiao at ilang kaibigan sa media patungong New York upang umpisahan ang pagpo-promote ng laban namin ni Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico.
Mula September 9 hanggang September 15, lilipad kami sa limang pangunahing siyudad sa America at sa Puerto Rico upang imbitahan ang lahat ng mga fans at supporters ng boxing na manood ng laban namin ni Cotto. Alam kong labis nang sinusubaybayan ang bawat galaw ng kani-kaniyang kampo kahit hindi pa kami pormal na nagkakaharap ni Cotto sa pangunahing press conference ng taon.
Nakatakda akong lumapag sa New York sa September 9 upang makipagkita sa mga opisyal ng HBO at mag-tape ng mga gagamiting promotional materials para sa laban at sa susunod na araw, maghaharap kami ni Cotto sa makasaysayang Yankee Stadium sa New York upang doon umpisahan ang press tour namin. Mula sa linggong ito, uumpisahan ko na ang pag-eensayo na sa tingin ko ay eksakto lamang para makuha ko ang pinakamainam na kondisyon ng pangangatawan, pag-iisip at ispiritwal na lakas para sa November 14.
Alam kong tanyag si Cotto sa Puerto Rico at ngayon ko pa lang makikita kung gaano kalaki ang suporta nila sa kanilang sariling bayani. Noong nanood ako sa laban ni Cotto sa New York, nakita ko at nadama ang init ng pagtanggap ng mga fans, kahit na sila ay mga kababayan ni Cotto.
Inaasahan kong ganoon din ang pagtanggap nila sa akin sa Puerto Rico.
Mula sa Puerto Rico, lilipad kami patungong kanluran, sa San Francisco, at sa pagkatapos ng San Francisco Giants-Los Angeles Dodgers game sa AT&T Park ng Giants, inaasahang maraming mga fans ang manonood ng aming media tour dahil alam ko, maraming mga Pilipino ang nakatira sa Bay Area. Sa lugar na ito ako nag-umpisa ng aking career sa boxing sa America, mga siyam na taon na ang nakakalipas.
Tutungo kami sa Los Angeles sa kinabukasan at doon sa Beverly Hills Hotel sa Beverly Hills, tatapusin naming dalawa ang media tour. Dahil sa nag-umpisa na ng training si Cotto, babalik na ulit siya sa Puerto Rico habang ako naman ay tutungo sa San Diego upang mag-pitch ng bola sa Petco Park ng San Diego Padres sa kanilang laban kontra sa Arizona Diamondbacks.
Dahil na rin sa mga batas ng pagbubuwis ng America, hindi ako makakapag-training sa Los Angeles gaya ng dati kaya naman babalik ako sa Pilipinas pagkatapos ng media tour na ito upang mag-training sa Baguio. Babalik ako sa Los Angeles mga tatlong linggo bago ang laban para kumpletuhin ang mithiin nating talunin si Cotto, ang kampeon ng mga welterweight at magwagi ulit sa ibabaw ng ring.
Hanggang sa Muling Kumbinasyon. God bless us all.
Source: http://philboxing.com/news/columns.php?aid=1130&id=27195
Labels:
Manny Pacquiao,
Manny Pacquiao Fights,
Miguel Cotto,
Miguel Cotto Fights,
NYC Press Tour,
Pacquiao Cotto News,
Pacquiao Cotto Updates,
Pacquiao vs Cotto,
Pacquiao vs Cotto Fight,
Pacquiao vs Cotto News,
Pacquiao vs Cotto Online Live Streaming,
Pacquiao vs Cotto Photos,
Pacquiao vs Cotto Updates
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.